
Katulad ng marami, iniisip ko na wala rin namang mabuting madudulot ang pag sipot sa halalan pagkat nawalan na ako ng tiwala sa mga taong namumuno sa ating bansa. Maraming bagay ang nagdulot sakin ng ganitong kamalayan na kahit na hindi ko man bigyan diin ay maiintindihan na ninuman pagkat umiikot lamang naman ang lahat sa kurapsyon at kasakiman sa kapangyarihan.
Kanina sobrang haba ng pila sa presintong aking kinabibilangan, napaka init at halos naliligo na sa pawis ang lahat, idagdag pa ang ingay ng mga tao. Nakakahilo. Sa totoo lang, wala akong tiyaga sa mga ganitong sitwasyon, inisip kong umalis na lang at hindi na bomoto. Biniro ko nga ang isang kaibigan sa text na pinahihirapan namin ang sarili namin sa pagpili ng mga taong maari lang palang magsamanta sa kahinaan ng sistema ng ating lipunan pag dating ng panahon.
Naghahari na sa aking sarili na umalis na, hindi ko inaasahan na ganito ang aking dadatnan samantalang "automated" na ang halalan. Subalit, sa isang banda, inuusig ako ng aking konsensya, pagkat sa bawat tingin na pinupukol ko sa mga tao sa paligid ko...nakikita ko ang bawat taong may alab ng pagbabagong inaasam sa kanilang mga mata. Iba iba ang anyo nila, may kabataan, mga magulang, buntis, bakla, tomboy, mayaman at mahirap...subalit alam ko sa sarili ko na nandoon sila para sa iisang adkihain, ang marinig ang boses nila sa pinaka makapangyarihang paraan.
Dalawang mag asawang matanda ang tuluyang nag pabago ng isip ko upang ituloy ang pagboto, kapwa sila may mga saklay na at hirap na maglakad subalit naroon sila upang tupdin ang binibigkas nilang mga kataga ng panunumpa sa watawat ng Pilipinas noong kabataan pa nila.
Matapos ang ilang oras ay nairaos ko rin ang pagboto, isang bagong simula para sakin at sa ating bayan.